MANILA, Philippines — Halos kalahati ng mga pamilyang Pinoy ang nagsasabing sila ay mahirap, base sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas nitong Martes.
Ayon sa survey, 48% ng mga pamilyang Pinoy ang nagsabing sila ay mahirap; 25% ang nagsabi na sila ay hindi mahirap; at 27% ang nagsabi na sila ay nasa borderline.
Mas mataas ang naturang bilang ng 3 puntos kumpara sa resulta ng survey na isinagawa noong Hunyo 2023, na 45% lamang ang porsiyento ng mahihirap na pamilya.
Bumaba naman ng 6 puntos ang nasa borderline families mula sa 33% habang ang nagsabing sila ay hindi mahirap ay tumaas ng 3 puntos mula sa 22%.
Anang SWS, ito ay katumbas ng 13.2 milyong self-rated poor families noong Setyembre, o pagtaas mula sa 12.5 milyon noong Hunyo.
Dagdag pa ng SWS, ang pagtaas ng bilang ng mga pamilyang nagsabing sila ay mahirap ay kumbinasyon nang pagtaas ng bilang nito sa lahat ng lugar, partikular na sa Mindanao, pagbaba sa Balance Luzon o mga lugar sa Luzon, na nasa labas ng National Capital Region (NCR).
Lumabas din sa survey na 6.6% o 1.8 milyong pamilya ang ‘newly poor,’ o dating hindi mahirap sa nakalipas na isa hanggang apat na taon.
Anang SWS, ang naturang survey ay isinagawa mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 1, sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa may 1,200 adults.