MANILA, Philippines — “Blockbuster” ang naging paglalarawan ng Commission on Elections (Comelec) sa pilot testing nila sa “early voting scheme” para sa “vulnerable sectors” kahapon ng madaling araw para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections.
Isinagawa ang pilot testing sa Naga City at Muntinlupa City para sa mga senior citizens, at “persons with disabilities (PWDs), mula alas-5 ng madaling araw hanggang alas-7 ng umaga.
Pinapurihan ni Comelec Chairman George Garcia ang mga senior citizens at PWDs na maagang gumising at nagtungo sa pilot polling precints at maging ang mga kasama nila na umalalay sa mga nakatatanda.
Base sa voter turnout sa dalawang pilot locations, sinabi ni Garcia na dapat na maipatupad ang early voting scheme sa buong bansa.
Umaasa siya na maipapasa ng Kongreso ang early voting bilang batas na nagsasaad na maaaring makaboto ang mga miyembro ng vulnerable sectors isang linggo bago ang halalan.
Ilan sa minor na problemang kinaharap ay ang mga hindi pagkakaunawaan sa pagpirma ng mga dokumento ng mga senior citizen at PWDs bago sila makaboto.