Bangkang pangisda sinalpok ng foreign vessel: 3 Pinoy, patay!
Sa Bajo de Masinloc
MANILA, Philippines — Tatlong mangingisdang Pinoy ang patay matapos na mabangga ng isang oil tanker ang sinasakyan nilang bangka sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc.
Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), ang insidente ay naganap noong Lunes ng madaling araw, Oktubre 2.
Kasalukuyan umanong nakadaong ang bangkang FFB Dearyn, sa layong 85 nautical miles northwest ng Scarborough Shoal nang bigla na lang itong banggain ng tanker, na nagresulta sa paglubog nito.
Tatlo sa mga mangingisdang sakay ng bangka ang kumpirmadong namatay ngunit hindi pa pinangalanan ang mga ito.
Isa naman sa 11 nakaligtas sa insidente ang nagsabi na kabilang sa namatay ang kanilang Kapitan. Ang mga bangkay ng mga ito ay dinala na sa Barangay Cato sa Infanta, Pangasinan.
Nagawa lamang umano ng mga survivors na makaalis sa lugar, gamit ang walong service boats.
Ang naturang insidente ay naiulat lamang nitong Martes ng umaga.
Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, maaaring natutulog ang mga mangingisda ng maganap ang insidente kaya’t hindi nila nakita ang oil tanker.
Sa isinagawa namang imbestigasyon, lumilitaw na ang Pacific Anna Crude Oil Tanker ang bumangga sa fishing boat ng mga mangingisda.
“Titingnan nating mabuti kung ano ‘yung mga circumstances dito sa insidente, gaano kalaki ‘yung barko, ‘yung mga locals ba ay hindi sila nakita, at siyempre ‘yung lagay din ng panahon para mag-contribute dun sa visibility nung area,” ani Balilo, sa panayam sa radyo.
Kinakapanayam na rin umano ng kanilang mga tauhan ang mga nakaligtas na mangingisda kaugnay sa pangyayari.
Pagtiyak pa ni Balilo, “Nakahanda po tayong magbigay ng assistance sa pamilya ng mga biktima.”
- Latest