SIM registration law maaaring gamitin vs ‘enemies of the state’ — DND
MANILA, Philippines — Aminado ang Department of National Defense (DND) na maaari nilang gamitin ang SIM card registration law laban sa mga kinikilala nilang “enemies of the state” — bagay na matagal nang ikinatatakot ng mga ligal na aktibista.
Sa deliberation na naganap para sa 2024 budget ng DND nitong Huwebes, nabanggit Defense secretary Gilbert Teodoro na bagama't pangunahing papel ng SIM card registration ang pagiging anti-fraud measure, maaari rin daw itong gamitin laban sa mga kalaban ng gobyerno.
“Naturally any legitimate tool against an enemy of the state can be used,” banggit ni Teodoro sa pagkikilatis ng kongreso sa budget ng DND.
“I don’t think SIM card registration will be of value for enemies of state, it does help but I think its more for an anti-fraud measure.”
Para kay Rep. Raoul Manuel ng Kabataan party-list, na kabilang sa mga kongresista sa budget deliberation nito, mapanganib pa rin ang batas na ito dahil sa maaari itong magamit sa surveillance operations ng pamahalaan sa mga nakikita nitong kalaban.
“Delikado kung magagamit ang SIM card registration kasi napaka-broad ng pwedeng sakupin ng label na ‘enemies of the state’, kahit sinong individual pwede ma-brand na ganito,” sabi ni Manuel sa isang pahayag nitong Biyernes.
Kabilang ang Kabataan sa mga kritiko ng Republic Act 11934 at kasalukuyang nananawagan ng mga alternatibong hindi makakaapekto sa data privacy at karapatan ng mga tao gaya ng SIM registration.
Madalas paratangang “enemies of the state” ng mga opisyal ng gobyerno ang mga kritiko nito sa pamamagitan ng red-tagging — o 'yung bara-barang pag-uugnay ng mga tao sa rebeldeng Communist Party of the Philippines-New People's Army — ayon sa ilang grupo, bagay na nauuwi minsan sa human rights violations o extrajudicial killing.
Una nang ikinabahala ng Coomputer Professional's Union ang pagsasabatas ng R.A. 11934 lalo na't nailalagay daw nito sa peligro ang "right to privacy" at "data protection" ng publiko.
Sa kabila ng pagsasabatas nito, patuloy pa rin ang pamamayagpag ng text scams sa ngayon.
Kamakailan lang nang mapag-alaman ng National Bureau of Investigation na kayang-kayang makapagparehistro rito kahit na pekeng IDs at litrato ng hayop ang gamitin. — intern Matthew Gabriel
- Latest