Higit 63,500 katao apektado ni 'Goring'; P41.17-M infra damage naitala
MANILA, Philippines — Umabot na sa 63,565 residente mula sa pitong rehiyon ang nasasalanta ng hagupit ng Typhoon Goring sa ngayon kabilang na ang pinalakas nitong hanging habagat.
Ito ang sabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, Martes, tungkol sa nabanggit na 19,370 pamilya kabilang na ang:
- lumikas: 24,972
- nasa loob ng evacuation centers: 14,856
- nasa labas ng evacuation centers: 10,116
Naitala ang lahat ng ito habang patuloy na nakataas ang Signal No. 3 sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas.
Ang apektadong populasyon ay sinasabing nagmula sa mga sumusunod na rehiyon:
- Ilocos Region
- Cagayan Valley
- Central Luzon
- CALABARZON
- MIMAROPA
- Western Visayas
- Cordillera Administrative Region
Sa kabutihang palad, wala pa namang naitatalang namatay, nawawala o sugatan ang NDRRMC sa ngayon.
Gayunpaman, ilang pagbaha, pagguho ng lupa, aksidente sa kalsada, pagbagsak ng puno, buhawi at aksidente sa dagat na ang nangyari kaugnay ng bagyo.
"The estimated cost of damage to infrastructure amounting to P41,175,000 was reported in Region 2, MIMAROPA, CAR," dagdag pa ng NDRRMC.
Maliban pa ito sa 28 kabahayang bahagyang napinsala at nawasak buhat ng sama ng panahon.
Sa huling ulat ng NDRRMC, umabot naman na sa mahigit P979,352 ayuda sa porma ng family food packs, tulong pinansyal, hygiene kits, atbp.
Ngayong araw lang nang sinabi ng PAGASA na posibleng magtaas pa sa Signal no. 4 sa extreme northern Luzon habang hindi pa isinasantabi ang posibilidad ng paglakas uli ng bagyong "Goring" sa pagiging super typhoon.
- Latest