DBM, Pharmally officials pinakakasuhan na ng graft ng Ombudsman
MANILA, Philippines — Pinasasampahan na ng Office of the Ombudsman ng tatlong counts ng kasong graft sina dating Budget undersecretary Christopher Lao at dalawang iba pang opisyal ng Department of Budget and management at mga opisyales ng Pharmally na may kinalaman sa maanomalyang pagbili ng pamahalaan ng P4 bilyong halaga ng RT-PCR test kits.
Sa 37 pahinang resolusyon ng Ombudsman, nakasaad dito na ang mga respondents sa kasong ito ay nagkaroon ng sabwatan umano para mai-award ang multi-bilyong kontrata sa Pharmally gayundin ang pagkakasangkot ng ibang kumpanya na may kakayahan na magsuplay at mag-deliver ng test kits sa mababang presyo lamang.
Bukod kay Lao, pinakakasuhan din ng 3 counts ng graft sina dating DBM procurement director Warren Liong, DBM procurement management officer Paul Jasper de Guzman, at Pharmally officials Twinkle Dargani, Linconn Ong, Justine Garado, at Huang Tzu Yen.
Ayon sa Ombudsman, ang Pharmally ay nakakuha ng P4 bilyong kontrata sa gobyerno kahit na ang paid up capital nito ay P625,000 lamang.
Binigyang diin ng Ombudsman na ang pag-aaward sa Pharmally ay isang pagsuway sa probisyon ng Government Procurement Policy Board at Procurement Law.
Bukod dito, sinabi ng Ombudsman na ang naturang mga opisyal ng gobyerno na inaakusahan dito ay pumayag na ma-delay ang delivery ng test kits kahit na kailangang-kailangan itong magamit sa pagsusuri dahil sa paglaganap ng COVID-19 sa buong bansa noong panahon ng pandemic.
- Latest