DOJ: Teves, malapit nang mapauwi sa Pinas
MANILA, Philippines — Inaasahan ng Department of Justice (DOJ) na malapit nang mapauwi sa Pilipinas si dating Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr. upang harapin ang mga kasong murder na isinampa laban sa kanya, kaugnay nang pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pa.
Kasunod na rin ito nang pag-apruba ng Timor Leste sa hiling ng pamahalaan ng Pilipinas na ma-extradite na si Teves.
Ayon kay Justice Assistant Secretary Mico Clavano, mismong ang Attorney-General ng Timor Leste ang nagkumpirma sa kanila na inaprubahan na ng kanilang pamahalaan ang extradition request ng Pilipinas.
Nabatid na nakasaad sa naturang kahilingan na payagang maibalik ng Pilipinas ang dating mambabatas upang harapin ang kasong multiple murder na kinakaharap nito sa hukuman.
“We look forward to the arrival of Mr. Teves so that he may finally face the charges against him in our local courts,” ayon pa kay Clavano.
Nilinaw naman ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na may 30 araw si Teves upang iapela ang desisyon.
Gayunman, kumpiyansa aniya sila na hindi na mababago pa ang desisyon ng Timor Leste hinggil sa extradition.
Maaari pa rin aniyang arestuhin muli si Teves sa naturang bansa dahil kanselado na ang pasaporte nito.
- Latest