Second case: 12-anyos na lumikas sa Mayon COVID-19 positive sa evacuation center
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Health (DOH) - Bicol na nadagdagan pa ang kumpirmadong tinamaan ng COVID-19 sa mga lumikas sa Bulkang Mayon — sa pagkakataong ito, menor de edad na lalaki ang nahawa.
Ayon sa kagawaran nitong Miyerkules, isa kasi sa 30 close contacts ng unang kaso ng COVID-19 sa Brgy. Gabawan Evacuation Camp ang tinamaan ng nakamamatay na virus.
"Mula sa isinagawang contact tracing at swabbing noong Hunyo 19, 2023, isa ang naitalang nagpositibo rin ayon sa opisyal na resulta ng Reverse Transcriptase-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test noong Hunyo 21, 2023," sabi ng DOH-Bicol.
"Ang nasabing pasyente ay isang 12 taong gulang na lalaki. Simula sa unang araw ng pag-quarantine, ang pasyente ay hindi nakitaan ng alinmang sintomas ng COVID-19. Sa kasalukuyan, ang naturang pasyente ay naka-isolate na sa Daraga Infirmary."
Kasalukuyang nasa 20,149 katao ang mga lumikas sa kani-kanilang tahanan sa Bikol buhat ng pag-aaluburoto ng Mayon, na siyang nagbubuga ngayon ng lava at abo.
Sa bilang na 'yan, 18,736 ang sinasabing nasa loob ng mga evacuation centers, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council ngayong Huwebes.
Nakikipag-ugnayan naman ngayon ang sa Local Epidemiology and Surveillance Unit ang One Mayon Disease Surveillance Team ng DOH upang matuloy kung may karagdagang close close contacts ang pasyente. Agad silang iqua-quarantine at isasailalim sa RT-PCR test limang araw pagkalipas ng huling exposure sa nagpositibo sa COVID-19.
Tiniyak naman ng kagarawan na katuwang nito ang Albay Provincial health Office sa pagsasagawa ng health education sa mga evacuation camp para maiwasan ang pagkalat doon ng COVID-19.
"Nagpadala na rin ng mga face mask, alcohol, at iba pang kagamitan ng mga evacuees para sa pag-iwas sa COVID-19," dagdag pa nila.
"Patuloy na ipinapaalala ng Kagawaran na sundin ang BIDA Solusyon Plus: pagsuot ng face mask, lalo na sa mga siksikan na lugar, pag-sanitize at paghugas ng mga kamay, pagdistansya ng isang metro, at pag-alam ng tamang impormasyon tungkol sa COVID-19."
Bukod sa pagpapakonsulta sa healthcare workers sa oras na makaramdaman ng sintomas, hinikayat din nila ang publiko na agad magpabakuna at booster shot laban sa sakit.
Sa huling ulat ng DOH kahapon, aabot na sa 4.16 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas simula nang nakapasok ito ng bansa noong 2020. 8,275 dito ang aktibong kaso pa habang patay na ang 66,482.
- Latest