Evacuation centers sa Bicol, lalagyan ng water supply system
MANILA, Philippines — Magkakaroon na ng water supply system sa mga evacuation center sa Bicol Region para sa kapakanan ng mga Bikolano sa panahon ng emergency.
Ayon kay Ako Bicol Rep. Elizaldy Co na sa pamamagitan ng ilalagay na supply system ay higit na mapapahusay ang pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan ng rehiyon at pagtiyak sa kapakanan ng mga Bicolano sa panahon ng emergency gaya ng mga kalamidad.
Sinabi ni Rep. Co na ngayong may banta ang Bulkang Mayon sa Bicol, nararapat na magkaroon ng isang sustainable water supply system sa bawat evacuation center sa buong rehiyon upang pangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga evacuees doon.
Nararapat anya ang agarang pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan nag Bicol sa pagkakaroon ng malinis at accessible source ng tubig sa panahon ng krisis.
Ayon pa kay Rep. Co, malapit nang matapos ang pagtatayo sa Level 1 water supply system sa San Andres Elementary School, na kasalukuyang nagsisilbing evacuation site para sa mga residente ng Brgy. San Fernando at Brgy. Fidel Surtida, Munisipyo ng Sto. Domingo, Albay na apektado ng pag-aalboroto ng bulkang Mayon.
Ang water system ay magbibigay ng malinis at mas accessible na pagkukuhaan ng tubig ng may 1,789 evacuees.
“Tungkulin nating tiyakin ang kapakanan at kaligtasan ng ating mga kababayang Bikolano, lalo na sa panahon ng krisis. Ang inisyatibang ito ay makapagpapahusay sa kalagayan ng pamumuhay ng mga evacuees at magtataguyod ng kanilang pangkalahatang kalusugan at kalinisan.” dagdag ni Rep Co.
Oras na maging operational ang water system ay hindi na aasa ang mga evacuees sa mga rasyon ng tubig dahil may 24/7 na silang mapapagkunan ng malinis na inuming tubig dito.
- Latest