Pangulong Marcos makikipagkita kay Trump
MANILA, Philippines — Balak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makipagkita sa lalong madaling panahon kay US President-elect Donald Trump.
Sa isang ambush interview sa Catanduanes, sinabi ng Pangulo na nagkausap sila ni Trump sa telepono at binati sa pagkakapanalo sa katatapos lang na eleksyon.
Pinaalala rin niya kay Trump na binoto siya ng mga Filipino sa Amerika kaya tiyak ay maalala ito ng bagong presidente ng Amerika.
“And I also reminded the President-elect that ang mga Pilipino sa Amerika overwhelmingly naging --- binoto nila si Trump. Kaya’t I’m sure maaalala niya ‘yan pagka tayo ay – ‘pag nagkita kami at plano kong makipagkita sa kanya as soon as I can”, pahayag pa ni Marcos.
Sinabi rin ng Pangulo na napag-usapan nila ni Trump ang alyansa ng Pilipinas at Amerika at ipinahayag ito ang kagustuhang mas lalo pang patatagin ang relasyon ng dalawang bansa bilang matagal ng magkaibigan.
Nabanggit aniya ni Trump ang kaniyang inang si dating Unang Ginang Imelda Marcos dahil kaibigan niya ito at kinumusta ang kaniyang ina.
Sa kabuuan ay naging maganda at produktibo anya ang kanilang pag-uusap at sa tingin ni Marcos ay masaya rin si Trump na makarinig ng balita mula sa Pilipinas.
“Sabi niya siguro baka nasa White House na siya bago ako makapunta. But anyway, it was a very good call, it was a very friendly call, very productive. And I am glad that I was able to do it and I think President-elect Trump was also happy to hear from the Philippines,” saad pa ni Marcos.
- Latest