MANILA, Philippines — Pinag-aaralan pa ang hiling ng Estados Unidos sa Pilipinas na pagbibigay ng temporary shelter para sa 50,000 Afghan special immigrants.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, naitanong ni Committee Chair Senator Imee Marcos sa Department of Foreign Affairs kung ang nasabing request ay napag-usapan na ba ng mga ahensya ng gobyerno sa isang public forum.
Tugon ni Foreign Affairs Sec. Enrique Manalo, nasa punto pa lamang sila ng konsultasyon at assessment patungkol sa magiging implikasyon o epekto ng pagpapatuloy sa bansa ng mga Afghan nationals.
Aniya, wala pang pinal na desisyon ang gobyerno tungkol dito dahil sinisikap pa nilang kunin ang opinyon ng lahat ng mga kaukulang ahensya ng gobyerno.
Sinabi pa ng kalihim na maging ang mga konsultasyon sa pagitan ng US tungkol sa temporary shelter ng mga Afghan refugees sa bansa ay hindi pa pinal na napagkakasunduan.
Sakaling magkaroon na ng pormal na kasunduan, tiniyak ni Manalo ang mahigpit na pagdadaanan na proseso ng Afghan special immigrants na papasok sa bansa at ang lahat ng gastos sa mga ito ay sagot ng US government.
Bukod dito, magpapatupad din ang bansa ng mobility restrictions sa mga Afghan refugees at walang maiiwan sa bansa na mga Afghan nationals kahit pa iyong mga made-deny ang aplikasyon sa special immigrant visa.