SC walang itinakdang oral argument sa Makati, Taguig dispute
MANILA, Philippines — Wala umanong ipinalabas na kautusan ang Korte Suprema na nagtatakda ng oral argument para sa territorial dispute sa pagitan ng Taguig at Makati City na nagkaroon na ng final and executory decision kung saan itinakda na ang pinag-aagawang Bonfacio Global City (BGC) at 10 pang barangay ay nasa legal na hurisdiksyon ng Taguig City.
Nabatid kay Jay Rempillo ng SC Public Information Office, wala silang alam sa kautusan o anumang pahayag na magkakaroon ng oral argument patungkol sa Makati-Taguig territorial dispute.
Sa isang text message sa ilang mamamahayag, itinanggi din ni SC Spokesman Bryan Keith Hosaka na mayroong isasagawang oral argument.
“I have no information about an oral argument being set regarding this case. The SCPIO will immediately post any notices in the SC Website and official Twitter account should there be any,” ayon kay Hosaka.
Ang paglilinaw ay ginawa ng SC kasunod ng sinabi ni Makati City Mayor Abby Binay na nakatanggap ang Makati City Legal Office ng dokumento mula sa SC na nagtatakda ng oral argument para sa territorial dispute.
“As far as the document that we received, they actually even set it for hearing, that means its not yet final. Kasi sa Omnibus Motion namin wala pang aksyon so as far the city is concerned there is still pending motion,” pahayag ni Binay.
Nang tanungin si Binay kung kelan ang petsa ng hearing base sa natanggap nilang dokumento ay hindi pa niya alam.
“Hindi namin alam kasi di ba naka-break ang Supreme Court, hopefully by this month we will get some idea,” ani Binay.
Dugtong pa ng alkalde na oral argument ang itinakda ng SC alinsunod sa natanggap nilang dokumento.
“Oral aguments ito kasi part of our motion is to go before the en banc and have oral orgument. This is very important issue that would affect 200,000 residents,” paliwanag pa ni Binay.
Samantala sa panig ng Taguig City sinabi nito na walang ganitong dokumento silang natatanggap mula sa SC.
Sa resolusyon ng SC noong Abril, una na nitong ibinasura sa kawalang basehan ang Omnibus Motion ng Makati City na humihiling na iakyat ang territorial dispute case sa SC en banc at magkaroon ng oral argument kaya naman palaisipan ang naging pahayag ni Binay na nagtakda na ng oral argument ang SC hinggil sa usapin.
- Latest