P15,000 'El Niño subsidy' hiling ng mga magsasaka dahil sa PAGASA warning
MANILA, Philippines — Hinihikayat ngayon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang gobyerno na maghanda na ng ayuda at subsidyo para sa mga magsasaka at mangingisda ngayong malaki ang tiyansang tumama ang El Niño sa Pilipinas sa second half ng 2023.
Ito ang iginigiit ngayon ng grupo matapos maglabas ng El Niño alert ang PAGASA, lalo na't posible raw pumasok ito sa pagitan ng Hunyo at Agosto — ito habang may 80% probability na magtuloy-tuloy ito hanggang unang quarter ng 2024.
Tumutukoy ang El Niño sa pagtaas ng posibilidad na magkaroon ng "below-normal rainfall conditions," na magdadala ng negatibong epekto sa ilang bahagi ng bansa gaya ng tagtuyot (drought).
"It is high time for the Department of Agriculture (DA) to grant P15,000 production subsidies for farmers and fishers. Important support services including seeds, farm inputs, and implements are also needed to counter the increasing costs of production," ani Danilo Ramos, chairperson ng KMP, Miyerkules.
"If the condition worsens, farmers may not be able to plant in the coming planting season due to lack of rainwater and irrigation. This could affect our agriculture and fisheries output, especially rice and vegetable yield."
Pangamba pa nina Ramos, maaaring mapababa rin ng El Niño ang huli ng mga mangingisda lalo na't mas lalong iilalim ang mga isda sa mga karagatan at katawang tubig.
Karaniwang naglalabas ng El Niño alert ang PAGASA tuwing paborable ang mga kondisyon at may 70% pataas na pag-asang magkaroon nito sa suusunod na dalawang buwan.
"Our only option now is how to mitigate the risks and impact of El Niño. Both the government and stakeholders should be prepared," sabi pa ni Ramos.
"Sa halip na maghanda para sa kalamidad ng El Niño at epekto nito sa agrikultura, naglalamyerda na naman ang Pangulo at DA Secretary na papunta naman sa London para sa koronasyon ni King Charles."
Mahigpit na babantayan daw ng KMP ang iminumungkahing El Niño mitigation efforts ng National Irrigation Administration at ng bagong tayong Water Resource Management Office kaugnay ng isyu.
Inanunsyo ang lahat ng ito ngayong nasa hot dry season (tag-init) pa rin ang Pilipinas, panahon kung kailan karaniwang ang 40°C pataas na heat index, o 'yung ginagamit na panukat ng init na nararadaman ng tao.
Tumataas ang posibilidad ng "heat cramps," "heat exhaustion" at "heat stroke" sa mga panahong ito. Matatandaang napaparami ang balita ng mga nahihimatay na estudyante sa eskwela dahil dito.
Sa kabila nang lahat ng ito, tinatayang makararanas pa rin ng "above-normal" rainfall conditions sa kanlurang bahagi ng Pilipinas pagsapit ng Southwest monsoon season o Habagat.
- Latest