3K ‘high level’ cyberattacks, naitala sa Pinas
MANILA, Philippines — Nasa 3,000 “high level” cyberattacks ang naitala sa Pilipinas mula 2020 hanggang 2022, ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Sa ‘Hack for Gov’ competition para sa college students, sinabi rin ni DICT Assistant Secretary Jeffrey Ian Dy na halos kalahati ng mga naturang pag-atake ay sistema at networks ng mga ahensiya ng gobyerno at emergency response teams.
Base sa datos, sa nasabing panahon ay may na-monitor din ang DICT na 54,000 cyber threats.
Mula naman Enero 2023, limang government agencies ang inatake.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Dy na, “The national computer emergency response team is on the top of the situation, and we’re trying to do our best to mitigate and to remediate these attacks.”
Isinusulong din ng ahensiya ang pagpapasa ng batas para sa mandatory reporting ng hacking incidents.
Kailangan aniya ng bansa ng mas maraming cybersecurity professionals.
Ani Dy, sa ngayon ay mayroon lamang 300 certified information security systems professionals dito.
Mas nais din aniya ng mga professionals na pumasok sa mga pribadong kumpanya at sa ibayong dagat dahil sa mas mataas na kumpensasyon.
- Latest