MANILA, Philippines — Hindi na nakapalag si dating Senior Citizens Partylist representative Godofredo Arquiza nang arestuhin ng mga pulis sa Quezon City Hall of Justice dahil sa kinakaharap na warrant of arrest sa isang kaso, kahapon ng umaga.
Base sa paunang ulat ng Quezon City Police District dakong alas-11:30 kahapon ng umaga nang isilbi kay Arquiza ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Trese Dionco Wenceslao, ng Cabanatuan City RTC Branch 28.
Ang utos na pag-aresto kay Arquiza ay base sa kinahaharap nitong kasong paglabag sa Section 155 ng RA 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines.
Nagtakda naman ang korte ng P18,000 piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Arquiza.
Bago arestuhin dumalo pa si Arquiza sa pagdinig ng kinahaharap nitong hiwalay na kasong perjury sa QC Metropolitan Trial Court Branch 38.
Sa naturang pagdinig sinubukan ni Arquiza na depensahan ang sarili ngunit hindi siya pinagbigyan ng korte sa kanyang mga mosyon. Nagtakda na lamang ng isa pang pagdinig sa kaso sa darating na Abril 18.