Arawang water interruption, sinimulan na ng Maynilad
MANILA, Philippines — Sinimulan na ng Maynilad ang pagpapatupad ng kada araw na water service interruptions sa kanilang mga customers sa West Zone area.
Ito, ayon sa Maynilad ay upang mapreserba ang natitirang suplay sa Angat-Ipo system para sa inaasahang epekto ng El Niño phenomenon o panahon ng tagtuyot o walang pag-ulan.
Bago ang pagpapatupad ng service interruptions, nagkaroon ang Maynilad ng “cross-portal” arrangement sa Manila Water para mapadami ang suplay dahil sa inaasahang pagbaba ng tubig sa Novaliches Portal sa Quezon City.
Dahil nagkakaroon na rin umano ng pagbaba ang water level sa La Mesa Dam nitong nagdaang mga linggo ay minabuti ng Manila Water na unti-unting itigil ang cross-portal supply sharing sa Maynilad.
Dulot nito, mababawasan ang tubig na naisusuplay ng Maynilad sa mga customer nito at maaaring magdulot ito ng mas mahabang water interruption mula April 1.
Nakipag-usap na din ang Maynilad sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at Manila Water kahapon para talakayin ang sitwasyon.
Samantala, nagpapatupad na ang Maynilad ng supply augmentation measures upang masolusyonan ang shortage sa suplay ng tubig kasama na dito ang pagkumpuni sa mga sirang tubo ng tubig at pagpapalit ng old pipes.
- Latest