MANILA, Philippines — Hindi na biro ang tagal sa sirkulasyon ng pahayagang Pilipino Star Ngayon (PSN). May kasabihan nga ang mga matatanda lalo na ang mga negosyante na ‘pag tumagal ng 30-taon ang isang produkto o kalakal nangangahulugan lamang na matatag na ito, at hindi kayang buwagin.
Sa larangan ng peryodiko, ang PSN ang namamayagpag at number 1 na tabloid hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong panig ng bansa.
Bakit nga ba ang PSN ang ‘namumunong tabloid’ ngayon? Ano ang espesyal at ito ang dyaryo na binabasa ng karamihan?
Nakuha ko ang sagot sa aking paglalakad-lakad, pagmamasid at pakikipagkuwentuhan sa mga ordinaryong tao, middle class at kahit nasa upper class ng society.
Unang dahilan kung bakit ang PSN ang namumunong tabloid ay dahil sa mga balitang nailalathala nito. Konkreto, totoo at patas ang pagbabalita. Nakukuha ang bawat panig. Ika nga… hindi bias!
Ikalawa, nangingibabaw ang tunay na ‘journalism’. Ang lahat ng balita at artikulo ay tunay na sinaliksik at hindi nagbabatay sa mga naririnig at nakikita. Ang mga balita ay suportado ng dokumento.
Ang ikatlong rason naman ng paghahari ng PSN ay sa dami ng nagbabasa, anuman ang estado sa buhay, habang ang ika-apat na dahilan ay ‘napamahal’ na sa kanila ang PSN.
Hindi nga raw buo ang araw nila kung hindi nakakapagbasa ng PSN. Ika nga nila pang ‘good vibes’. Masarap basahin ang PSN habang nagkakape sa umaga kasama ang mainit na pandesal.
Sa katunayan may ilang bansa din ang nararating ng PSN tulad ng Hong Kong na sandigan naman at libangang basahin ng mga kababayan nating Overseas Filipino Workers (OFWs).
Bagama’t umusbong ang makabagong teknolohiya kung saan maari nang mabasa at makita ang mga balita at artikulo ng PSN sa internet, marami pa ring gustong nahahawakan at nababasa PSN.
Sa pagsulpot at pagdami ng mga pahayagan, hindi nagpatinag at nagpakabog ang PSN.
Anumang propaganda at gimik ang ihain ng mga katunggali ng PSN sa publiko, hindi naman ito kinakagat.Kumbaga ‘tikim’ lang.
Maraming pahayagan ang isinilang, naglitawan sa sirkulasyon, subalit buwan lamang ang itinagal at tuluyan nang nagsara dahil sa maling sistema at kawalan ng sinseridad sa pagsusulat ngbalita.
Ang 37-taong pananatiling numero 1 ng PSN ay indikasyon ng patuloy pa nitong pagsirit sa sirkulasyon ng pamamahayag.