Rep. Teves, iniimbestigahan na sa Degamo slay
MANILA, Philippines — Isinama na sa imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr. ukol sa pagpaslang kay Governor Roel Degamo.
Sinabi ito ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nang tanungin sa isang panayam ang posibleng pagkakasangkot ng mambabatas.
“We are investigating anybody who has something to do with what is happening in Negros Oriental. We are not exempting anybody,” ayon kay Remulla.
Bumisita nitong Miyerkules ng gabi si Remulla kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa burol ni Degamo at nakausap ang mga residente. Dito niya natuklasan ang umano’y “culture of impunity” o kultura ng karahasan sa naturang lalawigan na matagal nang nangyayari.
“I think there will be more cases that will be filed about past cases that were dismissed and cases that were not attended to before,” ayon pa sa kalihim.
Nilinaw niya na hindi pa ito kaugnay sa pamamaslang sa gobernador at walong iba pa ngunit marami pang ibang kaso ng pagpatay.
“What comes out is a pattern of impunity that we did not sense before, it is something that is new to us, ngayon talaga, it’s very hard to imagine this happening before. The stories are making sense that there is a pattern of impunity in Negros Oriental,” saad ng kalihim.
Matatandaan na tinukoy na umano ng isa sa mga naarestong suspek ang mastermind sa krimen ngunit hindi muna ito inihayag ng mga awtoridad habang gumugulong pa ang imbestigasyon.
Samantala, pinauuwi na ng Kamara si Teves dahil hanggang Marso 9 na lamang ang ibinigay na palugit dito para bumalik sa bansa matapos na magtungo sa Estados Unidos.
Ito’y kaugnay ng posibleng pagsasailalim kay Teves sa imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng pagpatay kay Degamo.
Sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco na naisyuhan ng travel clearance si Teves sa trip nito sa US mula Pebrero 28-Marso 9. - Dagdag ulat ni Joy Cantos
- Latest