MANILA, Philippines — Idineklara ng Department of Health (DOH) na “malaria-free” na ang 80 sa 81 probinsya sa bansa na tinukoy noon na mataas ang kaso ng naturang sakit.
Sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire nitong Martes na tanging ang Palawan na lamang sa 81 lalawigan ang nananatiling hindi pa napupuksa ang naturang sakit.
Karamihan umano sa mga probinsya ay nagdeklara na “malaria-free” mula noong 1995, kasama ang Cebu, Bohol at Catanduanes.
Nitong 2022 naman nang ideklarang malaria-free ang Oriental Mindoro, Rizal, Aurora, at Cotabato.
Ang pangunahing criteria ng pagiging “malaria-free” na mga probinsya ay kung walang lokal na transmisyon ng malaria sa nakalipas na limang taon.
Palalakasin naman ng DOH ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan ng Palawan para palakasin ang kanilang kampanya upang maideklara na rin ang probinsya na ligtas sa malaria.
Ayon sa World Health Organization (WHO), hindi bababa sa 247 milyong kaso ng malaria sa buong mundo ang naitala noong 2021, kung saan 619,000 biktima ang namatay sa sakit.