Mga truck ng mining firm na may dalang lupa palabas ng Sibuyan, hinarang ng mga residente
ROMBLON, Philippines (Romblon News Network) — Hinarang at hindi pinadaan ng mga nagbarikadang residente ng Sibuyan Island, Romblon ang mga truck ng Altai Philippines Mining Corporation na may kargang mga mininang lupa sa España, San Fernando, Romblon ngayong araw.
Ang mga truck ay galing sa mining site at patungo sana sa pantalan na ginagawa ng mining company para isakay sa isang barge na magdadala naman patungong China.
Ayon sa mga residente ng lugar, tatlong araw nang nananatili sila sa labas ng pantalan para bantayan ang galaw ng mining company sa lalo pa umano’t ipinatigil ng lokal na pamahalaan ang konstruksyon sa pantalan dahil sa kawalan ng papeles.
Nagtungo na sa lugar ang mga tauhan ng San Fernando Municipal Police Station upang masigurong hindi mauuwi sa gulo ang iringan ng mga residente at ng mining company.
Ang Altai Philippines Mining Corporation ay pinayagan ng Department of Environment and Natural Resources na magbiyahe ng 50,000 MT ng nickel ore palabas ng isla para ma-test umano ng mga buyer mula sa ibang bansa.
Iprinoprotesta ito ng mga residente ng Sibuyan.
--
Ang Romblon News Network ay regional partner ng Philstar.com.
- Latest