MANILA, Philippines — Kinikilala ang kanilang mga sakripisyo at mahalagang papel sa panahon ng kalamidad, inihain ni Senator Christopher “Bong” Go sa Senado ang panukalang batas na magbibigay ng hazard pay sa disaster response personnel.
Binigyang-diin ni Sen. Go na ang pinakamaliit na manggagawa ng gobyerno ay dapat lamang mabigyan ng maayos na kompensasyon.
Aamyendahan ng Senate Bill No. 1709 na inihain ni Go noong Enero 23 ang mga probisyon ng “Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010”.
Sa panukala, lahat ng mga tauhan ng Local Disaster Risk Reduction and Management Offices (LDRRMOs) sa mga probinsya, lungsod, at munisipalidad at lahat ng kinikilalang community disaster volunteer, anuman ang kanilang katayuan sa pagtatrabaho, ay bibigyan ng hazard pay na P3,000 bawat buwan.
Isa si Go sa lumikha ng resolusyon sa Senado na nagbibigay-parangal sa kabayanihan ng limang miyembro ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na namatay habang nagliligtas ng buhay sa pananalasa ng Super Typhoon Karding.
Muli ring iginiit ni Sen. Go ang kanyang apela na maisabatas ang SBN 193 na layong magtayo ng mga ligtas at malinis na evacuation center sa bawat lungsod, lalawigan at munisipalidad sa buong bansa.