MANILA, Philippines — Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang administrative order na magbibigay ng service recognition incentive (SRI) sa mga empleyado sa executive department gayundin ang one-time rice allowance sa lahat ng empleyado ng gobyerno para sa taong ito.
Base sa AO, hindi dapat lumagpas sa P20,000 ang one-time SRI sa executive department personnel.
Kabilang sa maaaring tumanggap ng insentibo ang mga sibilyang tauhan sa mga national government agencies (NGAs), mga nasa state universities and colleges (SUCs), government-owned or controlled corporations (GOCCs), regular, contractual o casual employees, miyembro ng militar at pulisya, gayundin ang mga tauhan ng bumbero at kulungan sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Tatanggap din ng insentibo ang mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor), Philippine Coast Guard (PCG), at National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA).
Ang mga empleyado ng dalawang kapulungan ng Kongreso, Hudikatura, Office of the Ombudsman at mga Constitutional offices ay maaari ring bigyan ng isang beses na SRI na hindi hihigit sa P20,000.
Ang mga empleyado sa local government units (LGUs), kabilang ang mga nasa barangay, ay maaari ring tumanggap ng insentibo depende sa kakayahan ng LGU.
Pinahintulutan din ni Marcos ang pagbibigay ng isang beses na rice assistance sa mga tauhan ng gobyerno.
Kabilang sa mga karapat-dapat na tumanggap ng rice subsidy ang mga sibilyang tauhan sa NGAs, kabilang ang mga nasa SUCs, GOCCs, government financial institutions (GFIs), government instrumentalities na may corporate powers, at government corporate entities na may regular, contractual o casual positions.
May karapatan din ang mga tauhan ng militar, pulis, bumbero at kulungan na makatanggap ng tulong na bigas.
Ang mga empleyado ng BuCor, PCG, at NAMRIA ay makakatanggap din ng suporta.