P2.3 bilyong pondo ng OVP, lusot na

MANILA, Philippines — Lusot na sa plenaryo ng Senado ang P2.3 billion pondo ng Office of the Vice President (OVP) para sa susunod na taon.

Sa budget deliberation ng OVP, hindi sumang-ayon si Senate Finance Committee Chairman Sen. Sonny Angara na mabawasan ang pondo ng OVP matapos na punahin ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang budget ng nasabing tanggapan.

Muling inihirit ni Pimentel na tanggalin na ang P500 million confidential fund ng OVP lalo pa at marami umanong ahensya ang nangangailangan ng parehong halaga ng pondo sa susunod na taon tulad na lamang ng PhlPost.

Iginiit pa ni Pimentel na bago lamang ang pagkakaroon ng confidential fund sa ilalim ng OVP at hindi rin justifiable ang paglalagak ng nasabing pondo.

Subalit tugon ni Angara, hindi siya pabor na bawasan ang pondo ng OVP at marami namang sources na maaaring mapaghugutan ng kinakailangang pondo ng PhilPost.

Ang OVP rin umano ang ikalawa sa pinakamataas na opisina sa bansa na nararapat na bigyan ng suporta at paggalang at hindi naman nakaugalian ang pagbabawas ng pondo sa OVP.

Katwiran pa ni Angara kaya tumaas ang pondo ng OVP ay dahil magtatayo ang opisina ng satellite offices sa Luzon, Visayas at Mindanao kung saan P150-million ang budget dito sa kada satellite office.

Sa kabila nito sinabi ni Pimentel na maghahain pa rin siya ng mosyon para alisin na ang P500-M confidential funds sa pagsalang ng budget sa ‘period of amendments’.

Show comments