MANILA, Philippines — Muling iginiit ni Senate committee on health and demography chair, Senator Christopher “Bong” Go na dapat maayos na maipatutupad ang mga kinakailangang health guidelines at tiyaking ligtas ang mga estudyante sa pagbabalik ng face-to-face classes sa buong bansa sa Nobyembre.
Ayon sa Department of Education Order No. 44 na nilagdaan ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte noong Oktubre 17, lahat ng pampublikong paaralan ay magpapatupad ng limang araw na physical classes simula Nobyembre 2.
Sa kabilang banda, ang mga pribadong paaralan ay maaari ring magpatupad ng harapang classes o magpatuloy sa blended learning.
“Suportado ko ang desisyon ng ehekutibo at tiwala ako sa kakayahan nilang ipatupad ito nang maayos. Gayunpaman, muli akong nananawagan sa pamahalaan at sa mga awtoridad ng paaralan na tiyakin ang kalusugan at kapakanan ng ating mga estudyante sa kanilang pagbabalik sa mga silid-aralan,” apela ni Go.
Pabor na mas magiging produktibo ang mga mag-aaral sa pisikal na klase at magsusulong ng collaborative na pag-aaral, binigyang-diin ni Go na ang mga estudyante, tagapagturo, at opisyal ng paaralan ay dapat manatiling mapagbantay at sumusunod sa health protocols, lalo’t may umuusbong na mga bagong variant ng COVID-19.
Kumpiyansa ang mambabatas na sa tamang gabay ng DepEd at Department of Health, magiging matagumpay ang pagpapatupad ng mga in-person classes at magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa bansa.