Apektado ng bagyong 'Neneng' umabot sa 27,900 — NDRRMC
MANILA, Philippines — Halos 28,000 katao na ang naapektuhan ng pananalasa ng nagdaang bagyong "Neneng" na kalalabas pa lang ng Philippine Area of Responsibility.
Matatandaang umabot sa Signal no. 3 ang itinaas sa Batanes at Babuyan Islands dahil sa naturang sama ng panahon nitong Linggo, na syang umabot sa typhoon category.
"A total of 7,519 families or 27,914 persons were affected," wika ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, Lunes.
"Of which, 199 families or 721 persons were served inside 32 ECs and 86 families or 277 persons were served outside [evacuation centers]."
Karamihan ng mga apektadong populasyon ay nagmula sa sumusunod na lugar:
- Ilocos Region (6,598)
- Cagayan Valley (18,334)
- Cordillera Administrative Region (2,982)
Sa ngayon, aabot sa 25 kabahayan ang napinsala ng nasabing bagyo. 23 rito ang bahagyang na-damage habang dalawa naman ang wasak na wasak.
As of October 16, merong naitalang P1.2 bilyong standby funds ang Department of Social Welfare and Development para sa food and non-food items. Meron namang stockpiles na P1.38 bilyon para sa family food packs, other food items at non-food items mula sa DSWD at Office of Civil Defense.
Meron namang 14 search, rescue and retrieval teams o 69 SRR personnel na itinalaga na mula sa Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection at Philippine Coast Guard sa Ilocos and Cagayan Valley regions.
Aabot naman na sa P436,098 na ayuda ang naipamahagi sa Kordilyera sa porma ng family food packs at relief assistance.
Kahapon lang nang mag-landfall ang bagyo sa Calayan Island, Cagayan. Sa kabila nito, bandang 8 p.m. kagabi nang lumabas ng PAR si "Neneng." — James Relativo
- Latest