Pagbabalik ng quarrying sa Albay pinangangambahan
MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pangamba ang ilang mga pinuno ng Simbahang Katoliko ng Albay na maaaring magbalik ang malawakang illegal na quarrying sa kanilang lalawigan kasunod ng pagkakadiskuwalipika ng Comelec First Division kay Gubernador Noel Rosal.
Ginawa ng mga lider ng simbahan ang pahayag matapos maglabas ng resolusyon ang Comelec na nagdidiskuwalipika kay Rosal kasunod ng paratang na nilabag nito ang ban sa pamamahagi ng perang ayuda ilang linggo bago ang eleksyon ng Mayo 2022. Tinalo ni Rosal si dating Albay Governor Al Francis Bicharra sa halalang iyon sa lamang na mahigit 200,000 boto.
Ayon kay Legazpi Bishop Joel Baylon, nababahala sila dahil ang pagkakadiskuwalipika kay Rosal ay nangyari kasunod ng mga hakbang ng bagong gubernador para patigilin ang ilegal na quarrying sa kanilang lalawigan.
Sa unang araw pa lamang ng kaniyang panunungkulan bilang bagong punong-lalawigan, agad na naglabas si Rosal ng utos na nagpapatigil sa lahat ng quarry operations sa buong Albay.
Matagal na ring tinutuligsa ng mga lider ng Simbahan sa pangunguna ni Bishop Baylon ang mga naturang pagku-quarry matapos na 10 tao ang namatay at may 300 kabahayan ang nasira matapos ragasain ng lahar mula sa bulkang Mayon ang kanilang mga barangay sa kasagsagan ng Bagyong Rolly noong 2020.
Kasalukuyan nang nirerepaso ng Comelec First Division ang desisyon nitong pagdiskuwalipika kay Rosal.
- Latest