Euro general, hinatulang guilty ng Sandiganbayan

Sa promulgasyon nitong Biyernes ng Sandiganbayan 4th Division, inatasan din si Dela Paz na magmulta ng P200,000 na maximum penalty sa paglabag sa BSP Circular No. 507 alinsunod sa New Central Bank Act.
STAR/File

MANILA, Philippines — Matapos ang ilang taong paglilitis, hinatulang guilty ng Sandiganbayan sa paglabag sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) circular si dating PNP Comptroller ret. Brig. Gen. Eliseo dela Paz, isa sa mga tinaguriang “Euro Generals” na nahulihan ng 105,000 Euros sa paliparan ng Moscow, Russia.

Sa promulgasyon nitong Biyernes ng Sandiganbayan 4th Division, inatasan din si Dela Paz na magmulta ng P200,000 na maximum penalty sa paglabag sa BSP Circular No. 507 alinsunod sa New Central Bank Act.

Itinatadhana sa BSP Circular 507 na sinumang magdadala ng anumang foreign currency na hihigit sa $10,000 ay kailangang ideklara sa Bureau of Customs.

Noong 2008 si Dela Paz at misis nitong si Maria Fe, kasama ang iba pang mga opisyal ng PNP ay nagtungo sa St. Petersburg sa Russia para dumalo sa 77th Interpol General Assembly.

Dahil dito ay nakulong si Dela Paz sa Moscow International Airport sa pagbibitbit ng nasabing malaking halaga.

Ikinatwiran ni Dela Paz na ito’y ‘cash advance’ para sa mga kaso ng emergency ng PNP ­delegation na dumalo sa nasabing Interpol Summit.

Sinabi naman ni dating DILG sec. Ronaldo Puno na hindi niya inawtorisa ang pagpapalabas ng nasabing halaga bilang ‘contingency fund’ ng PNP delegation.

Inabsuwelto naman ng korte ang misis ni Dela Paz matapos mabigo ang prosekusyon na patuna­yang guilty ito sa kaso.

Show comments