^

Bansa

Film showing sa Pasay tungkol sa Martial Law 'ipinatigil ng pulis' — grupo

James Relativo - Philstar.com
Film showing sa Pasay tungkol sa Martial Law 'ipinatigil ng pulis' — grupo
Litrato ng nagpakilalang miyembro ng "intelligence unit" ng PNP habang ipinatitigil diumano ang isang Martial Law film showing isang araw bago ang ika-50 anibersaryo ng Batas Militar, ika-20 ng Setyembre, 2022
Released/Kabataan party-list

MANILA, Philippines — Kinundena ng Kabataan party-list ang "pagpapatigil" at "harassment" ng mga 'di unipormadong kawani ng Philippine National Police (PNP) sa isinagawa nilang pagpapalabas ng pelikula kasabay ng bisperas ng ika-50 anibersaryo ng Batas Militar.

Martes nang ikasa ng mga militanteng kabataan ang kanilang film showing sa Barangay 178 nang "pilit na pasukin" ng limang pulis ang venue, kasabay ng pagkuha nila sa mga flyers, placards at registration forms doon.

"Hindi labag sa batas ang pagmulat sa mata ng kapwa kabataan at mamamayan. Direktang pamamasista na ito katulad sa nangyari sa Nazi Germany at noong Batas Militar ni Marcos Sr.," ani KPL-Pasay spokesperson Miguel Ochobillo kagabi.

"Takot ang pulis sa simpleng film showing ng mga kabataan."

Ipapalabas sana ang pelikulang "Liway" ni Kip Oebanda sa naturang pagtitipon, sa layuning ipaalam sa bagong henerasyon ang malagim na kasaysayan ng Martial Law sa ilalim ng diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Kaugnay ito ng "AlternaTV: Ang Katotohanan sa mga Marcos" at Martial Law free mobile film event ng alternative news outlet na Altermidya.

Nangyayari ang lahat ng ito sa ilalim ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., anak ng yumaong diktador.

Reklamo pa nina Ochobillo, nag-video pa nga raw nang walang paalam sa lugar ang mga otoridad. Nagpakita pa raw ng baril sa mga lumahok at media personnel ang isa sa mga ahente habang nagtatanong-tanong.

Usapin ng permit

Sa video na ito ng Altermidya, makikitang sinisita ng nagpakilalang "intelligence unit" sa Pasay ang mga organizer kahit na pinakitaan na ng resibo ng pag-renta ng covered court mula sa nasabing barangay at maging sa barangay captain.

 

 

Hindi pa naman sumasagot ang PNP Pasay sa text message na ipinadala ng Philstar.com. Pero sa ulat ng ABS-CBN News, sinabi ni Pasay City Police na si Police Col. Byron Tabernilla na "hindi nila ipinatigil" ang event.

"Nasa pandemic pa tayo, may mga larawan kami na walang mga mask. Tapos mga bata ang nag-attend doon. Tinuloy naman nila ang ginawa nila eh," ani Tabernilla.

Pinasinungalingan din niya ang paratang na kinuha raw ng mga pulis ang registration forms. Maliban dito, "wala" rin daw permiso ang naganap.

Kagabi lang din nang maglabas ang production team ng "Liway" ng pahayag, habang idinidiing nag-secure sila ng mga permit mula sa Movie and Television Review and Classification Board na magpalabas sa mga eskwelahan ng Martial Law film screenings ngayong buwan.

Kalakip nito ang kopya ng permit to exhibit habang ipinaaalam sa publikong ipinatigil ng mga pulis ang isang screening ng kanilang pelikula sa Pasay.

ACTIVISM

DICTATORSHIP

FILM SCREENING

KABATAAN PARTY-LIST

MARTIAL LAW

PASAY CITY

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with