Pangulong Marcos nasa Singapore na

MANILA, Philippines — Nagtungo na kahapon ng umaga si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Singapore matapos ang matagumpay niyang state visit sa Indonesia.

Si Marcos ay mananatili Singapore mula Setyembre 6-7 upang magsagawa ng magkakahiwalay na pagpupulong kay Singaporean President Halimah Yacob at Prime Minister Lee Hsien Loong hinggil sa bilateral relations at iba pang usapin.

Sinabi ng Pangulo na makikipag-pulong siya kay President Halimah Yacob at Prime Mimister Lee Hsien Loong upang i-renew ang mga pangako na palalimin pa ang ugnayan ng dalawang bansa.

Ayon pa kay Marcos, ang Singapore ang naging nangungunang trading partner ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at ang nangungunang pinagmumulan ng mga pamumuhunan noong 2021.

Ang Singapore rin anya ay naging tahanan ng nasa 200,000 Pilipino na malaki ang kontribusyon sa ekonomiya ng dalawang bansa.

Nauna rito, sinabi ng Department of Foreign Affairs na pipirmahan ang isang memorandum of understanding tungkol sa kooperasyon at proteksyon ng personal data protection.

Ngayong araw (Setyembre 7) nakatakdang lagdaan ang mga kasunduan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Singapore.

Show comments