MANILA, Philippines — Nakatakdang umalis ngayong Linggo, Setyembre 4, si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa kanyang state visit sa Indonesia at Singapore.
Unang pupuntahan ng Pangulo ang Indonesia base na rin sa imbitasyon ni Indonesian President Joko Widodo.
Sa inilabas na press release ng Department of Foreign Affairs, mananatili ang Pangulo sa Indonesia mula Setyembre 4-6, 2022.
Inaasahang tatalakayin sa meeting ng dalawang lider ang defense, maritime, border, economic, at people-to-people cooperation.
Sasaksihan din ng dalawang lider ang paglagda sa ilang mahahalagang kasunduan na may kinalaman sa depensa at kultura, gayundin ang isang komprehensibong “Plan of Action” na tungkol sa mga bilateral priorities ng dalawang bansa sa susunod na limang taon.
Makikipagpulong din si Marcos sa mga business leaders para isulong ang kalakalan at pamumuhunan para suportahan ang economic agenda ng Pilipinas sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Samantala, tutungo ang Pangulo sa Singapore mula Setyembre 6-7 sa imbitasyon na rin ni Pangulong Halimah Yakob.
Magkakaroon ng hiwalay na pagpupulong si Marcos at Pangulo ng Singapore at Prime Minister Lee Hsien Loong upang talakayin ang bilateral relations ng dalawang bansa at mga regional at global issues.
Masasaksihan din nina Marcos at Lee ang paglagda ng mga kasunduan sa mga larangan ng counter-terrorism at data privacy.
Inaasahang manghihikayat ang Pangulo ng mga investments sa Pilipinas upang lumikha ng mas maraming oportunidad at trabaho sa bansa.
Makikipagpulong din ang Pangulo sa mga Filipino communities sa Indonesia at Singapore para personal na tiyakin sa kanila ang patuloy na pangako ng gobyerno na protektahan ang kanilang mga karapatan at itaguyod ang kanilang kapakanan bilang mga overseas Filipinos.