Pagbibitiw ni DA Usec. Sebastian ‘di pa tinatanggap ni Pangulong Bongbong Marcos
MANILA, Philippines — Nilinaw ni Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian na hindi pa tinatanggap ni Pangulong Bongbong Marcos ang kanyang pagbibitiw kaya nananatili pa rin siya sa 90-day preventive suspension.
Ito ang sinabi ni Sebastian sa pagdinig ng Senate Blue ribbon committee kaugnay sa umano’y iligal na Sugar Order No. 4 na nagpapahintulot sa importasyon ng may 300,000 metriko toneladang asukal matapos tanungin ni Sen. Risa Hontiveros ang kanyang pagbibitiw.
Sagot ni Sebastian, hanggang sa ngayon ay nasa 90-day preventive suspension pa siya kaya tinanong ni Hontiveros kung nangangahulugan ito na hindi pa tinatanggap ng Malakanyang ang kanyang pagbibitiw.
Inatasan naman ni Sen. Francis Tolentino, chairman ng komite si Sebastian, na bigyan sila ng kopya ng prevention suspension order at pumayag naman si Sebastian.
Sinundan naman ng tanong ni Sen. Raffy Rulfo kung ang resignation letter ay irrevocable na sinagot naman ni Sebastian na hindi.
Paliwanag ni Sebastian, wala ito sa kanyang isip noong mga panahon na magbitiw siya subalit maaaring ganun na rin umano ito.
Inanunsiyo noong Agosto 12 ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles na si Sebastian ay nagbitiw sa kanyang puwesto bilang undersecretary for operations and chief of staff ng kalihim ng DA dahil sa umano’y hindi otorisadong pag-iisyu nAg Sugar Order No. 4.
- Latest