MANILA, Philippines — May 76 na pribadong paaralan sa Western Visayas ang nagtigil ng kanilang operasyon ngayong School Year 2022-2023.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Western Visayas Regional Information Officer (PIO) Hernani Escullar, sa naturang bilang, 17, na mula sa anim na school division offices, ang nag-anunsiyo ng permanent closure.
Ang natitira pang 59 pribadong paaralan ay pansamantala lamang na ititigil ang kanilang operasyon ngayong taong panuruan.
Sinabi ni Escullar na karamihan sa mga naturang paaralan ay nagtuturo sa kindergarten at elementary students habang ang iba ay mayroong junior at senior high school students.
Ipinaliwanag pa ni Escullar na ang dahilan ng shutdown ay mababang enrollment turnout at problemang pinansiyal na dulot ng COVID-19 pandemic.
Sa ngayon aniya ay tinutukoy pa nila kung gaano karami ang mga mag-aaral na apektado ng pagsasara ng mga naturang paaralan.
Tiniyak din ng DepEd official na pinagkakalooban nila ang mga ito ng kaukulang tulong upang makalipat ng paaralan.
Paniniguro pa niya, handa ang mga pampublikong paaralan sa rehiyon na tanggapin ang mga apektadong estudyante.