MANILA, Philippines — “Leave NAIA alone” — ‘yan ang pakiusap ni dating Senate President Franklin Drilon sa mga miyembro ng 19th Congress ngayong itinutulak ng ilang solon ang pagpapalit ng pangalan ng Ninoy Aquino International Airport. Aniya, marami pa raw kasing mas mahalagang isyu.
Inihain kasi ni Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr. ang House Bill 610 na naglalayong palitan ang pangalan ng paliparang pandaigdig sa “Ferdinand E. Marcos International Airport,” bagay na “mas nararapat” daw.
Related Stories
“I would like to believe that the incoming 19th Congress has more urgent things to do than to rename an airport, such as how to arrest inflation and address the surging oil prices,” sabi ng dating senador sa isang pahayag.
“This should be the main priority of this administration and the 19th Congress along with reviving the economy and addressing inflation, not renaming NAIA.”
Martes lang nang iulat ng Philippine Statistics Authority na sumirit na sa 6.1% ang inflation rate sa Pilipinas nitong Hunyo, bagay na ayaw paniwalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Oktubre 2018 pa noong huling beses na mas mabilis ang pagtaas ng presyo ng bilihin sa ngayon, panahon kung kailan umabot ito sa 6.7%.
Inaasahan ni Drilon na uunahin ng mga bagong halal sa konggreso ang pagsasabatas ng mga panukalang makakatulong sa ekonomiya, sektor pangkalusugan at edukasyon ng bansa.
Iginiit din ng dating senador na hindi aakma ang bagong batas sa panawagan ng pagkakaisa ng bagong administrasyon sa ilalim ni Ferdinand Marcos Jr.
“It will not augur well with the call for unity of the Marcos Administration. Leave NAIA alone” dagdag pa ni Drilon.
‘No comment’
Kanina lang nang sabihin ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na ayaw pa nilang magbigay ng komento patungkol sa panukala.
"Malacañang has no comment yet on this one. It's just been filed, after all. Wala pang first reading so any reaction would be premature if any is even warranted at this time," wika ni Angeles, na nagtratrabaho sa ilalim ng anak ni Marcos Sr.
"This is not a bill filed by Malacañang so it is not our place to indicate whether it's timely or not. It's the congressman who filed it [who should]. So, no comment for right now."
Una nang sinabi ni Teves na itinayo kasi ang nasabing paliparan noong panahon ng diktador, na siyang nagpatupad ng Martial Law noong 1972.
Matatandaang ni-rename bilang NAIA sa pamamagitan ng Republic Act 6693 ang dating Manila International Airport noong panunungkulan ni dating Pangulong Corazon Aquino. Si Ninoy Aquino, na in-assasinate noong panahon ni Marcos Sr., ay mister ni Cory.
Sunud-sunod ang pagtataas ng presyo ng langis nitong mga nakaraang linggo, dahilan para aprubahan ng gobyerno ang pagtataas ng minimum na pasahe sa jeep sa P11 sa buong bansa.
Sa kabila nito, nagbaba ng presyo ang mga kumpanya ng langis kahapon. Bumaba ang presyo ng diesel ng P3.00 kada litro at P3.40 naman sa kerosene.— Philstar.com intern Jomarc Corpuz