'Pabotohin manggagawa': Mga grupo hiling gawing holiday eleksyong 2022

Sa file photo na ito, nakapila ang mga residenteng habang nakasuot ng face mask laban sa COVID-19
The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines — Kinatigan ng ilang progresibong grupo ang panawagan ng Commission on Elections (Comelec) na ideklara na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Lunes bilang special non-working holiday.

Karaniwang araw at may pasok pa rin kasi ang ika-9 ng Mayo magpahanggang sa ngayon — dahilan para maging "no work, no pay" ang mga manggagawa't empleyadong mangangahas bumoto sa araw ng halalan.

"Hindi madali sa aming mga manggagawa ang lumiban ng kahit isang araw lamang sa trabaho sapagkat dito nakasalalay ang panggastos ng buong pamilya namin," wika ni Jerome Adonis, secretary general ng Kilusang Mayo Uno, Miyerkules.

"Alam naman nating lugmok na lugmok na ang kalagayan ng mga manggagawa — mahigit tatlong taon nang nakapako ang sahod habang patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin."

Ani Adonis, napakalaking parte ng voting population ay mga manggagawang pinakaapektado ng krisis. Dahil dito, mahalaga raw na marinig ang kanilang boses sa araw ng halalan.

Aabot sa 45.48 milyon ang employed individuals nitong Pebrero, na siyang mayorya na ng 65.7 milyong registered voters sa loob ng Pilipinas, kung datos nitong Disyembre 2021 ang titignan.

Hinihikayat din ngayon ng KMU ang business groups na tiyakin ang kumpletong sahod o sueldo ng kanilang mga tauhan para masigurong makakalahok ang lahat sa eleksyon.

Matatandaang idineklara ni Duterte bilang special non-working holiday ang ika-13 ng Mayo noong nakaraang 2019 midterm elections.

Ilang BPO workers nire-require pumasok

Ilang nagtratrabaho mula sa BPO Industry Employees Network (BIEN) ang nag-uulat na inoobliga silang pumasok sa araw ng eleksyon. Ayon pa sa Anakpawis party-list, dine-deny din daw ng mga employers ang "leave applications" ng ilang BPO workers na gustong bumoto sa Lunes.

"Ang panawagan namin ay iproklama ito bilang paid o regular holiday para hindi panghinayangan ng mga manggagawa ang mawawalang sahod, at malaya silang makaboto," ani Lana Linaban, 2nd nominee at national vice president ng Anakpawis party-list kanina.

"Hinihimok din namin ang mga employer na payagan ang mga leave application ng kanilang mga manggagawa para magawa nila ang kanilang demokratikong karapatang bumoto."

Kung regular holiday ang idedeklara sa ika-9 ng Mayo, bayad pa rin ang isang trabahador na hindi papasok. Kung special non-working holiday, hindi sila babayaran kung hindi pumasok ngunit bibigyan ng dagdag 30% ng kanilang daily rate kung pipiliing magtrabaho.

Nagbabala si Linaban ng disinfranchisement ng mga manggagawa kung hindi idedeklarang holiday ang eleksyon lalo na't ilalagay nito ang mga nagtatrabaho sa pang-ekonomiyang panggigipit lalo na't kailangan nila ang sasahurin sa araw na iyon.

Pabor naman si Makabayan senatorial candidate at Bayan Muna chairperson Neri Colmenares sa panawagang ito lalo na't pagkakataon ito ng publikong maghalal ng lider na mamumuno sa bansa sa susunod na anim na taon.

Show comments