MANILA, Philippines — Inendorso ng maimpluwensiyang grupong El Shaddai ang kandidatura ni dating senador at ngayo’y Deputy Speaker Loren Legarda.
Sa isang Facebook post, lubos na nagpasalamat si Legarda kay Bro. Mike Velarde at sa milyun-milyong miyembro ng El Shaddai, ang pinakamalaking Catholic charismatic group sa bansa.
“Ang inyong tiwala ay napakahalaga sa akin dahil nagpapatunay lamang ito na bilang public servant sa loob ng dalawampung taon ay nagampanan ko nang maayos ang aking tungkullin sa taumbayan,” ani Legarda
Dagdag pa niya: “Maraming maraming salamat sa dasal, suporta at pag-gabay! Makakaasa po kayo sa kalidad ng serbisyong aking patuloy na ibibigay para sa pagbangon ng bansa sa pandemya at kahirapan.”
Ang pag-endorso ng El Shaddai kay Legarda ay kasabay nang mataas niyang ranking sa katatapos lamang na senatorial preference surveys ng Pulse Asia. Statistical tie o tabla si Legarda at broadcaster Raffy Tulfo sa unang puwesto sa Pulse Asia survey na ginanap noong Abril 16-21, 2022.
Limang araw bago ang halalan sa Mayo 9, hindi natitinag sa pinakamataas na puwesto sa iba’t-ibang survey si Legarda. Bukod sa Pulse Asia, nangunguna rin ang beteranong mambabatas sa survey ng OCTA Research at ng Pulso ng Pilipino Survey ng The Issues and Advocacy Center (The Center).