MANILA, Philippines — Sa gitna ng patuloy na pag-angkin ng China sa Panatag Shoal, sinabi ni vice presidential aspirant at Senador Kiko Pangilinan na ipaglalaban ng kanilang tandem ni presidential candidate Leni Robredo ang teritoryo at soberanya ng bansa.
“Walang paligoy-ligoy. Ipagtatanggol ng Leni-Kiko tandem ang ating karapatan, ang mga mangingisda at ang buong Pilipinas laban sa sinumang mananakop,” wika ni Pangilinan.
Ginawa ni Pangilinan ang pahayag matapos igiit ni Chinese foreign ministry spokesperson Wang Wenbin na ang Panatag Shoal ay bahagi ng kanilang teritoryo at tanging Beijing lang ang may hurisdiksiyon dito.
Ayon kay Pangilinan, malakas ang loob ng China na angkinin ang Panatag dahil sa patuloy na pagyuko ng pamahalaang Duterte sa China sa kabila ng panalo ng Pilipinas sa international arbitral tribunal.
Bago rito, hinikayat ni Pangilinan ang Philippine Coast Guard at Navy na ipagpatuloy ang pagpapatrulya sa lugar para matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipinong nangingisda sa nasabing lugar.
Aniya, bumagsak ang kita ng mga Pilipinong mangingisda mula P10,000 kada biyahe patungong P2,000 - P3,000 dahil sa pagpasok ng mga barko ng China sa ating teritoryo.