Gov't debt lumobo sa P12.09-T; paghina ng piso nakaapekto
MANILA, Philippines — Lalong sumipa ang pagkakautang ng Pilipinas sa halos P12.1 trilyon sa pagtatapos ng Pebrero 2022 sa pagtaas ng foreign at local borrowings at pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar.
Ito ang ibinalita ng Bureau of Treasury, Huwebes, matapos itong lumagpas sa higit P12 trilyon sa kauna-unahang pagkakataon noong Enero.
Kung hahatiin, narito ang itsura ng outstanding debt ng national government:
- utang panlabas (P3.68 trilyon o 30.4%)
- utang panloob (P8.41 trilyon o 69.9%)
Ang domestic debt ng ay 0.5% na mas mataas (P45.42 bilyon) kumpara noong pagsasara ng Enero 2022 primarya dahil sa "net issuance" ng domestic government securities na aabot sa P44.89 bilyon.
"From the end-December 2021 level, outstanding domestic debt has increased by P242.79 billion or 3.0%," paliwanag ng BTr kanina.
Mas mataas naman ng P18.41 bilyon o 0.5% ang pagkakautang ng gobyerno sa external sources bago ito.
"For February, the increment in external debt was due to the impact of peso depreciation against the USD amounting to P17.91 biliion and the net availment of external obligations amounting to P3.25 billion," wika pa ng Kawanihan ng Ingatang-Yaman.
Bumaba ang halaga ng piso kontra dolyar mula P51.135 patungong P51.385 sa pagtatapos ng Pebrero.
Ayon sa Investopedia, karaniwang nakakaroon ng currency depreciation dahil sa iba't ibang dahilan gaya ng economic fundamentals, interest rate differentials, kaguluhang pulitikal at risk aversion mula sa mga mamumuhunan.
Noong nakaraang taon, matatandaang sumirit lalo ang pagkakautang ng bansa upang matustusan ang pangangailangan ng gobyerno laban sa COVID-19. Sa kabila nito, dahan-dahan nang nakakaahon ang ekonomiya sa muling pagluluwag ng mga restriksyon sa publiko at mga establisyamento sa pagbaba ng mga bagong kaso ng nakamamatay na sakit.
Nangyayari ang lahat ng ito matapos na iulat ng Social Weather Stations na tumaas mula 2.5 milyon patungong 3 milyong pamilyang Pilipino ang nakaranas ng kawalan ng pagkain nitong Disyembre 2021, bagay na ibinalita lang noong nakaraang linggo. — James Relativo
- Latest