3 milyong pamilyang Pinoy 'walang makain' sa pagtatapos ng 2021 — SWS
MANILA, Philippines — Mula sa 2.5 milyon noong Setyembre, tumaas sa 3 milyong pamilyang Pilipino ang nakaranas ng kawalan ng pagkain nitong Disyembre 2021, ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Katumbas ito ng 11.8% ng pamilyang Pinoy, na mas mataas sa 10% lang tatlong buwan bago isinagawa ang pag-aaral mula ika-12 hanggang ika-12 ng Disyembre.
"The December 2021 Hunger rate is 1.8 points above the 10.0% (estimated 2.5 million families) in September 2021, but still lower than the 16.8% in May 2021 and 13.6% in June 2021," ayon sa SWS, Biyernes.
"The resulting annual average Hunger rate for 2021 is 13.1% versus the record-high 21.1% for 2020."
Ang 11.8% na December hunger rate ay ang pinaghalong nakaranas ng "moderate" at "severe" hunger:
- moderate hunger (9.2% o 2.3 milyong pamilya)
- severe hunger (2.6% o 657,000 pamilya)
Tumutukoy ang moderate hunger sa nagutom nang "minsan lang" o "mga ilang ilang beses" habang ang severe hunger ay 'yung mga "madalas" o "palaging" gutom.
Mas mataas pa rin ang hunger rate para sa buong 2021 kumpara sa 9.3% na annual average para sa taong 2019 bago magpatupad ng mahihigpit na COVID-19 lockdowns na nakaapekto sa ekonomiya ng bansa.
Naitala ang mas mataas na December 2021 hunger rate kahit na ikinasa ang pag-aaral noong nasa maluwag-luwag na Alert Level 2 ang buong Pilipinas kasunod ng pagbaba ng COVID-19 cases noon, dahilan para mangyari ito noong marami-raming negosyo at establisyamento ang operational.
Porsyento ng gutom pinakamarami sa Metro Manila
Pagdating sa hunger rate sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas, nanguna sa lahat ang Kamaynilaan:
- Metro Manila (22.8% ng pamilya)
- Mindanao (12.2%)
- Visayas (9.7%)
- Balance Luzon (9.2%)
"It has been worst in Metro Manila in 22 out of 96 surveys since July 1998," paliwanag pa ng SWS.
"The 1.8-point rise in Overall Hunger between September 2021 and December 2021 is due to increases in all areas except in Balance Luzon"
Isinagawa ang Fourth Quarter 2021 SWS survey sa 1,440 katao sa buong bansa gamit ang harapang panayam, kung saan naitala ang sampling error margins na ±2.6% para sa national percentages at ±5.2% para sa Balance Luzon, Metro Manila, the Visayas at Mindanao.
Hindi kinomisyon ng mga pribadong indibidwal ang pag-aaral at inilabas ng SWS bilang serbisyo publiko.
- Latest