MANILA, Philippines — Naghain ng resolusyon ang Bayan Muna party-list, Linggo, para himukin ang mga kinatawan ng Kamara na kundenahin at imbestigahan "in aid of legislation" ang nangyaring panghihimasok ng isang Chinese Naval vessel sa Sulu Sea mula ika-29 ng Enero hanggang ika-1 ng Pebrero, 2022.
Una nang namataan ang nabanggit na People's Liberation Army Navy electronic reconnaissance ship (Dongdiao-class) sa Philippine waters, dahilan para ipatawag ng Department of Foreign Affairs si Chinese Ambassador Huang Xilian. Umabot pa ang Chinese navy ship (bow number 792) hanggang Cuyo Group of Islands sa Palawan at Apo Island sa Mindoro kahit walang permiso.
Related Stories
"[T]he Philippines through the DFA has filed numerous diplomatic protests, around 211 filed as of December 2021, against Chinese vessels' incursions into Philippine territory," ayon kina Bayan Muna Reps. Carlos Zarate, Eufemia Cullamat at Ferdinand Gaite sa House Resolution 2528 na pinetsahang ika-20 ng Marso.
"Yet, despite these, the illegal Chinese incursions have continued in the WEst Philippine Sea, and now in other parts of the Philippine territory."
Miyerkules lang nang sabihin ni acting presidential spokesperson Martin Andanar na maghahain ng diplomatic protest ang DFA pagdating sa kahiwalay na incursions ng pwersa ng Tsina sa Philippine Rise, isang lugar malapit sa probinsya ng Aurora na bahagi ng continental shelf ng Pilipinas.
Nangyayari ito matapos magdesisyon ang international tribunal court pabor sa Pilipinas pagdating sa West Philippine Sea noong 2016. Matapos ito, hindi pa rin ito natigil sa sari-saring dako ng Pilipinas, gaya na lang ng pagkakaroon ng presensya ng nasa 220 Chinese fishing vessels, na pinaniniwalaang kontrolado ng kanilang maritime militia, sa Julian Felipe Reef noong Marso 2021.
"[T]he repeated and unwarranted incursions of Chinese vessels into Philippine territory not only raises serious concerns, but, flagrant [violations] of the country's national sovereignty and security," dagdag ng Bayn Muna.
"These acts brazenly disregard Philippine authority over its territory, thus, these should be condemned and investigated."
Sa kabila ng lahat ng ito, kilala si Pangulong Rodrigo Duterte bilang malapit na kaibigan ni Chinese President Xi Jinping, na hanggang ngayon ay patuloy na nagmamatigas sa kanilang claim sa buong South China Sea — bagay na pinagmumulan ng tensyon hindi lang sa Pilipinas ngunit pati na rin sa ibang Southeast Asian nations. — James Relativo