'Iinit pa': Panahon ng tag-araw opisyal nang nagsimula, ayon sa PAGASA

File photo ng araw sa likod ng mga gusali
The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines — Inanunsyo na ng PAGASA ang opisyal na pagsisimula ng tag-araw o tag-init, ito'y matapos mahinto ang pagdanas ng Pilipinas sa malamig na Hanging Amihan (Northeast Monsoon) na nangangahulugan ng tuloy-tuloy na mainit na panahon sa Pilipinas.

Ito ang pahayag ng state meteorologists, Miyerkules, ngayong inaasahan ang "mainit at magandang panahon" sa buong bansa bilang epekto ng Easterlies.

"These signify the termination of the [Amihan] and the start of the dry season and warmer conditions. Furthermore, the day-to-day rainfall distribution across the country will be influenced mostly by easterlies and localized thunderstorms," wika ng PAGASA kanina.

"The public is advised to take precautionary measures to minimize heat stress and optimize the daily use of water for personal and domestic consumption."

Martes lang nang maitala ang "heat index" — o 'yung sukat ng temperaturang aktwal na ramdam ng tao — na 44°C sa Dagupan City Pangasinan. Ito ang pinakamainit na heat index sa Pilipinas kahapon.

Pumalo ang heat index sa parehong lugar sa 55°C nitong ika-6 ng Marso, ang pinakamainit ngayong 2022.

Sinasabing aabot sa temperaturang hanggang 34°C ngayong araw sa Metro Manila, bagay na posibleng sumirit pa sa 34°C sa Huwebes.

Summer? Wala niyan sa Pilipinas

Karaniwang pagkalamang "summer" ang tag-init o tag-araw sa Pilipinas, na hindi naman parte ng seasons ng bansa, ayon sa state weather bureau.

Dalawa lang ang "seasons" sa Pilipinas: tag-ulan (rainy) mula Hunyo hanggang Nobyembre at tagtuyot (dry).

Mahahati ang tagtuyot sa dalawang kategorya:

  • cool dry season (Disyembre hanggang Pebrero)
  • hot dry season (Marso hanggang Mayo)

Patuloy naman daw imo-monitor ng PAGASA ang sitwasyon ng panahon sa mga susunod na araw. — James Relativo

Show comments