Kulong, multa sa magmamanipula ng presyo ng bilihin
MANILA, Philippines — May katapat na parusa sa sinuman na mahuhuli dahil sa pagmamanipula ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Sen. Win Gatchalian, sa ilalim ng Section 15 ng Price Act o Republic Act No. 7581, parusang pagkakakulong na hindi bababa sa limang taon hanggang 15 taon at multang P5,000 hanggang P2,000,000 ang ipapataw laban sa mga napatunayang nagkasala sa pagmamanipula ng presyo ng anumang pangunahing bilihin o prime commodity.
Sa ilalim ng nasabing batas, ang price freeze ay awtomatikong ipinapataw sa mga presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga lugar na nasa state of calamity o state of emergency.
Maaaring magpataw ng price ceiling sa anumang pangunahing bilihin o pangangailangan kung hindi ito maiiwasan, dahil sa epekto dala ng kalamidad o kung may laganap o malawakang pagmamanipula ng presyo at kung may hindi makatwirang pagtaas sa umiiral na presyo ng anumang pangunahing bilihin o prime commodity.
Sa kabila ng serye ng pagtaas ng presyo ng gasolina at patuloy na tensyon sa pagitan ng Ukraine at Russia, sinabi ng Department of Trade and Industry na aabutin ng tatlong buwan bago mangyari ang anumang paggalaw sa presyo ng mga bilihin dahil ang imbentaryo ng mga produkto ay maaaring tumagal ng humigit-kumulang sa 30 hanggang 90 na araw.
Kabilang sa mga pangunahing bilihin ang bigas, mais, tinapay, dried o canned fish, sariwang karne, poultry meat, itlog, gatas, gulay, asukal, mantika, asin, sabong panlaba gayundin ang mga gamot na itinuturing ng Department of Health (DOH) na essential drugs.
“Ilegal na samantalahin ang sitwasyon kung saan halos lahat ay nagsusumikap na mabawi ang nawalang ipon at kita sa nakalipas na dalawang taon bunsod ng COVID-19 pandemic,” ani Gatchalian.
- Latest