Palasyo: DFA o si Duterte ang magsasalita sa pagpasok ng Russia sa Ukraine
MANILA, Philippines — Kahit ilang araw na ang nakalilipas, tikom pa rin ang bibig ng Palasyo kung kukundinahin nila o hindi ang pananakop ng Russisa sa Ukraine — dahilan para mamatay ang napakaraming tao at maipit sa gera ang overseas Filipino workers (OFWs).
"Kung meron pong official statement on that regard, abangan na lang po natin na magmula ito dapat sa ating Secretary of Foreign Affairs [Teodoro Locsin Jr.]," wika ni acting presidential spokesperson Karlo Nograles sa isang press briefing, Lunes.
"Unless si [Pangulong Rodrigo Duterte] na po ang magsasalita tungkol diyan, kasi si pangulo ang chief architect ng ating foreign policy."
Matatandaang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na mananatiling "neutral" ang Pilipinas sa Russian-Ukranian conflict, lalo na't "wala" naman daw kinalaman sa problema ang bansa. May diplomatic ties ang Maynila sa parehong Moscow at Kyiv (Kiev).
Gaya ni Chinese president Xi Jinping, kilalang malapit na kaibigan ni Digong si Russian president Vladimir Putin — na dati niyang tinawag bilang "favorite hero" noong 2016.
Linggo lang nang sabihin ng anim sa siyam na 2022 presidential candidates na hindi dapat maging neutral ang Pilipinas sa banggaan ng dalawang bansa. Tanging sina Ernesto Abella, Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso at Faisal Mangondato ang nagsabing hindi sila magkukundena o papanig kaugnay ng isyu.
Maliban sa pagkakaipit ng nasa 380 Pinoy sa Ukraine, nakikitang tataas ang presyo ng langi, bilihin atbp. sa Pilipinas dahil sa naturang gera. Kaugnay niyan, posibleng bumagal din ang pagbangon ng ekonomiya sa hagupit ng COVID-19 pandemic.
Bagama't wala pang pagkundenang ginagawa ang gobyerno sa mga kaganapan sa pagitan ng dalawang post-Soviet countries, gumagawa na ng paraan ang Department of Foreign Affairs (DFA) na ginagawa na nito ang makakaya nito upang matulungan at maiuwi ng Pilipinas ang mga OFW na naiipit sa digmaan.
Una nang nagpataw ng sanctions ang Singapore, isang napakaliit na Southeast Asian country, laban sa Russia dahil sa opensiba nito laban sa Ukraine.
- Latest