MANILA, Philippines — Mismong si Health Secretary Francisco Duque III na ang nagsabi na hinog na para ideklara ang Alert Level 1 sa National Capital Region base sa mga pamantayan na inilatag ng gobyerno.
Bagaman nakatakda pa lang pag-usapan kahapon ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases ang posibleng pagdedeklara ng Alert Level 1 sa NCR nagkasundo rin ang mga Metro Manila Mayors na irekomenda ang nasabing alert level sa NCR.
“Kung ako ay tatanungin, hindi naman nangangahulugan na ‘yung sasabihin ko ay ‘yan ang position ng collective IATF, sila naman ang NCR ay pasado na sa kanilang mga metrics. Hinog, in other words,” ayon kay Duque.
Inilatag ni Duque ang mga dahilan kung bakit posibleng ibaba na sa Alert Level 1 ang NCR katulad ng dalawang linggong growth rate na negatibo na at moderate na daily attack rate na kapag pinagsama aniya ay katumbas na ng isang low risk classification.
Pero titingnan din aniya sa datos kung 80% ng mga senior citizens sa NCR ay bakunado at 70% naman sa target na populasyon
Hindi lamang aniya ang NCR ang posibleng maibaba sa Alert Level 1 kundi maging ang iba pang lugar sa bansa.