MANILA, Philippines — Inendorso ng El Shaddai, isa sa mga malalaking religious groups na pinamumunuan ni Bro. Mike Velarde, ang kandidatura sa pagkasenador ni dating PNP chief Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar sa ilalim ng Partido Reporma.
Sa ginanap na El Shaddai activity sa Parañaque City, igiit ni Velarde na dapat na maging matalino at maingat ang Pilipino sa pagpili at paghalal sa mga lider o mamumuno sa bansa.
Kailangan aniya ang pagkakaisa at susunod sa kasabihang Latin na “Vox Populi, Vox Dei”, na nangangahulugang “voice of the people is the voice of God”.
Nagpasalamat naman si Eleazar sa tiwala at pagkilala ni Velarde upang mapabilang sa mga senador na magpapa-isa sa mga Pilipino. Aniya, hindi niya sisirain ang tiwala ni Velarde at El Shaddai sa paglilingkod sa bayan dahil mahalaga sa kanya ang dignidad at integridad.
Layon ni Eleazar na pag-ibayuhin pa ang peace and order sa bansa upang maramdaman ng bawat Pilipino na ligtas ang lugar na kanilang ginagalawan at makita ang kahalagahan ng pamilya.
Dagdag pa ni Eleazar na mahalagang gawin ang nararapat at tama kahit sa maliit na paraan at panatilihin ang integridad. Ito rin aniya ang kanyang ipinatupad sa kanyang serbisyo noong siya ay nasa PNP.