'Free mass testing' giit ng grupo ngayong NCR Alert Level 3, COVID-19 surge
MANILA, Philippines — Dahil sa biglaang pagtaas ng COVID-19 cases nitong holiday season, naninindigan ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na isakatuparan ang libreng mass testing laban sa sakit — bagay na hindi pa rin ibinibigay ng gobyerno hanggang ngayon.
Linggo lang nang umabot sa 4,600 ang bagong COVID-19 cases sa Pilipinas, ang pinakamarami simula pa noong ika-24 ng Oktubre. Naglalaro lang sa mas mababa sa 500 ang bagong kaso nitong mga nakaraang linggo.
"Ngayong may panibagong surge sa kaso ng COVID-19, dapat isagawa ang libre at malaganap na COVID testing sa Pilipinas, para matukoy ang kaso ng COVID at mapigilan ang paglaganap nito," ani BAYAN secretary general Renato Reyes Jr., Lunes, sa isang paghayag.
"We have to assume there is already local transmission of the Omicron variant. Mas nakakahawa ito kaya mas dapat pag ibayuhin ang testing."
Matatandaang Setyembre 2020 lang nang ibasura ng Korte Suprema ang isang petisyon na humihiling sa gobyerno ng mass testing laban sa COVID-19.
Ika-31 ng Disyembre nang tumuntong sa 14 ang kaso ng "mas nakahahawang" Omicron variant sa Pilipinas, ayon sa Department of Health — kabilang ang tatlong local cases at 11 imported cases. Dahil dito, inilagay sa Alert Level 3 ang Metro Manila hanggang ika-15 ng Enero.
Ika-1 pa lang ng Disyembre ay ipinanawagan na rin ng ilang progresibong kinatawan ng Kamara gaya ng Bayan Muna party-list ang libreng COVID-19 mass testing dahil sa banta ng Omicron variant, bagay na hindi pa rin ipinatutupad ng gobyerno.
5 panawagan ng BAYAN kay Duterte
Kaugnay ng panibagong surge, naglatag ang BAYAN ng limang puntos na maaaring gawin ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte upang makatulong sa pagkontrol ng dami ng nahahawaan:
- paramihin ang government COVID-19 testing centers "at gawing libre ang testing para mahikayat ang mas marami na magpatingin"
- magbigay ng libreng antigen testing kits sa mga pamilyang may kailangan
- libreng COVID-19 testing ng employers sa kanilang manggagawa kada 14 araw
- magdagdag ng isolation facilities dahil sa "inaasahang pagdami ng kaso dulot ng Omicron variant kaysa Delta"
- malaganap na testing sa mga nasalanta ng Typhoon Odette na nasa evacuation centers
"Sa ibang bansa ay libreng nagpapadala ang gobyerno nila ng testing kits sa bawat household," wika pa ni Reyes.
"Dapat pro-active ang gobyerno at hindi nag aabang lang na dumami ang kaso para magpataw na naman ng lockdown."
Kanina lang nang sabihin ng Metropolitan Manila Development Authority na napagkaisahan na ng Metro Manila mayors 'wag palabasin ng bahay ang mga hindi pa bakunado laban sa COVID-19 habang Alert Level 3 sa National Capital Region — dahilan para mabansagan itong Enhanced Community Quarantine para sa mga unvaccinated.
Sa huling ulat ng Department of Health (DOH) nitong Linggo, aabot na sa 2.85 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, 51,570 na ang namamatay sa sakit.
- Latest