MANILA, Philippines — Lalo pang niluluwagan ang mga pinatutupad na restrictions sa bansa habang patuloy na bumababa ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ito ang ibinahagi ni acting presidential spokesperson Karlo Nograles, Biyernes, ngayong dine-escalate na ng gobyerno ang probinsya ng Apayao mula Alert Level 3.
Related Stories
"This latest development means as of today, no province or city is under Alert Level 3," ani Nograles sa isang Palace briefing ngayong araw.
"This means that the entire country is under Alert Level 2."
Isinagawa ang naturang pagluluwag sa Apayao matapos baguhin ng pandemic task force ang mga pamantayan sa pagtatakda ng alert level classifications ng mga probinsya, urbanized cities at independent component cities.
Ilan sa mga binago ay ang:
- pagtatanggal ng one-week growth rate pagdating sa paghihigpit ng lugar mula Alert Level 1 patungong 2
- ilalagay na lamang sa mas istriktong alert level ang isang lugar kung isa sa case classification o kabuuang COVID-19 bed utilization ay umangat patungong "moderate risk" o mas mataas pa
- ang mga lugar na nasa Alert Level 2 ay itataas sa Alert Level 3 kung parehong case classification at total COVID-19 bed utilization ay nasa moderate risk, o kung ang case classification ay nasa high hanggang critical risk
Bagama't bumababa ang mga bagong COVID-19 cases, isinasagawa ang mga pagluluwag habang nagbabadya ang banta ng diumano'y mas nakahahawang Omicron variant overseas na nakaaapekto diumano sa bisa ng mga bakuna.
Nagpapatupad ngayon ang Pilipinas ng travel ban sa ilang bansa lalo na sa mga "red list countries" na nakitaan ng Omicron variant, na sinasabing mayroon 50 mutations sumatutal. — James Relativo at may mga ulat mula kay Xave Gregorio