MANILA, Philippines — Nagpahayag ng suporta sina National Task Force Against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr. kasama umano si Department of Health Secretary Francisco Duque III sa muling pagpapasuot ng face shield sa publiko kasunod ng pagkakadiskubre ng Omicron variant ng COVID-19.
“So kami po ni Sec. Duque at saka ng whole DOH and also some of the experts are with the possible reusing of the face shield,” ayon kay Galvez.
Iginiit ni Galvez na makapagbibigay umano ng dagdag na proteksyon ang face shield laban sa bagong variant tulad ng nangyari noon nang madiskubre ang Delta variant.
Sinabi niya na naiwasan umano noon ang sobrang dami ng masasawi dahil sa Delta variant dahil sa dagdag na pag-iingat gamit ang face shield.
Matatandaan na tinanggal ang mandatoryo na paggamit ng face shield noong Nobyembre 15 kasunod ng pagbaba ng mga kaso ng COVID-19. Kakailanganin na lamang gamitin ito sa mga lugar na malalagay sa alert level 5.
Ito rin ay matapos ang protesta ng ilang mga politiko, personalidad at civic groups laban sa paggamit ng face shield na dagdag-gastos lamang umano sa taumbayan habang hindi naman ito ginagamit sa ibang bansa.