MANILA, Philippines — Inalmahan ng isang environmental group na Ani Kalikasan ang ginawang pagsasara ng Department of Transportation sa operasyon ng mahigit 500 private Emission Testing Centers sa bansa.
Ayon kay Jun Evangelista, national president ng Ani Kalikasan, hindi makatwiran at walang legal na basehan ang ginawang pagsasara ni DOTr Undersecretary Artemio Tuazon sa naturang mga PETCs upang umano’y mawalan ng kakumpetensiya ang pinapaborang Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVICs).
Ang alegasyong ito ay naisampa na ng grupo sa Presidential Complaint Center sa Malacañang.
Sinabi ni Evangelista na ginagamit umano ni Tuazon ang Department Order no. 2016- 020 sa ginawang pagsasara sa PETCs. Ang naturang kautusan ay nagpapatupad ng moratorium sa pagtanggap ng mga bagong PETC dahil sa anya’y madami na ang emission centers.
Gayunman, sinabi ni Evangelista na ginawa ni Tuazon na hindi tumanggap ng bagong PETC application for Authorization pero nag- accredit naman ito ng mga bagong PMVICs na nagsasagawa rin ng emission testing sa mga iparerehistrong sasakyan.
Hamon ni Evangelista kay Tuazon na tulungan na lamang ang mga kasalukuyang nag-o-operate na PETCs na mapahusay pa ang sistema ng pagseserbisyo sa mga motorista at hindi ang pag-aasikaso sa pagpapadami ng mga pinapaborang PMVICs sa bansa.