House bill vs nuisance candidates aprub
MANILA, Philippines — Aprubado na sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill (HB) 9557 na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga nuisance candidates sa tuwing halalan.
Sa botong 191 pabor at walang tumutol ay napagtibay ang panukala na iniakda ni 1st District Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento.
Isinasaad sa Omnibus Election Code, ang mga nuisance candidate ay ang mga taong naghahain ng Certificate of Candidacy (COCs) upang maging panggulo at gawing katawatawa ang halalan.
Pinuna ni Sarmiento na sa tuwing sasapit ang eleksyon ay nagsusulputang parang kabute at kani-kaniya ng gimik ang mga nuisance candidates na dumaragsa sa tanggapan ng Comelec sa kabila na wala ang mga itong sapat na makinarya upang mailarga ang kampanya.
Kabilang sa mga ito ay ang mga nais lamang umeksena at mapag-usapan, habang ang iba naman ay pakawala ng ilang mga kandidato upang lituhin at mabawasan ng malaking puntos ang kanilang mga kalaban.
Ang mga mapapatunayang nuisance candidate na lilikha ng kalituhan o gulo sa electoral process ay posibleng maharap sa multang P100,000.
- Latest