^

Bansa

PDP-Laban faction: Duterte tinanggap na pagtakbong VP sa 2022

James Relativo - Philstar.com
PDP-Laban faction: Duterte tinanggap na pagtakbong VP sa 2022
Litrato ni Pangulong Rodrigo Duterte habang nakikipagpulong sa mga miyembro ng Inter-Agency Task Force on the Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), ika-20 ng Agosto, 2021
Presidential Photos/Roemari Limosnero

MANILA, Philippines (Update 2, 3:06 p.m.) — Tinanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-eendorso ng PDP-Laban para tumakbo sa pagka-bise presidente sa 2022, ayon sa isang paksyon ng partido na pinangungunahan ng bagong-halal na presidente nitong si Secretary Alfonso Cusi.

Ika-31 lang ng Mayo nang lagdaan ng PDP-Laban National Council Assembly ang isang resolusyon para hikayating tumakbo sa pagka-bise presidente si Digong sa susunod na taon, habang usap-usapang tatakbo sa pagkapresidente ang anak niyang si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

"President Rodrigo Roa Duterte agreed to make the sacrifice and heed the clamor of the people, and accepted the endorsement of the PDP-Laban Party for him to run as Vice President in the 2022 National Elections," sabi ni PDP-Laban executive vice president Karlo Nograles, Martes.

 

 

Aniya, napagdesisyunan ito ni Duterte matapos ang mga panawagan ng PDP-Laban regional, provincial hanggang barangay councils na naghahangad ng "continuity" sa mga programa ng administrasyon gaya ng:

  • paglaban sa terorismo, katiwalian, kahirapan at iligal na droga
  • "matagumpay" na pagpapatupad ng Build Build Build Program at 10-Point socio-economic agenda

Ginawa rin daw ni Duterte ang desisyon para matiyak na masusustena ang COVID-19 vaccination program lalo na't tumitindi ang pandemya.

Ang naturang dokumento ay ipinadaan sa Viber group ng Cusi PDP-Laban wing, na kaiba pa sa grupong kinapapalooban nina Sen. Manny Pacquiao at mga Pimentel.

Roque ayaw pang kumpirmahin

Ayaw pa naman diretsuhin ni presidential spokesperson Harry Roque sa ngayon kung totoong tinanggap na ni Duterte ang hamong tumakbong VP sa 2022. Gayunpaman, nakipagpulong daw ang presidente sa PDP-Laban faction nina Cusi kagabi.

"I can only confirm na kagabi ay nagpulong po ang presidente kasama ang pangulo ng PDP-Laban na si [Energy Secretary Alfonso] Cusi... pero hindi po ako kasama sa pagpupulong," ani Roque kanina sa isang media briefing.

"I can confirm na nag-usap po sila, pero I do not have personal knowledge kung ano po ang nag-transpire, and I will leave it to PDP-Laban as a political party to make their proper announcement."

Matatandaang ngayong Agosto lang nang iendorso ng 15-member National Executive Council ng Cusi-led PDP-Laban si Sen. Christopher "Bong" Go sa posisyon ng pagkapangulo sa 2022 habang itinutulak naman para sa pagka-VP si Duterte.

Sinabi ni Go sa isang pahayag na hindi pa rin daw siya interesado sa pagtakbo sa pagka-pangulo sa 2022. Mainam daw na unahing tingnan ng partido ang mga personalidad na interesado.

Kasalukuyang may iringan ang paksyon nina Cusi at Pacquiao kung sinu-sino ba talaga ang mga tunay na officers ng kanilang partido, matapos nilang magpasa ng magkaibang listahan ng opisyales sa Commission on Elections.

Inisyal na senatorial slate

Dagdag pa rito, isinapubliko rin nina Nograles ang mga personalidad na makakasama sa pangunang line up ng PDP-Laban sa pagkasenador:

  • House of Representatives Deputy Speaker Rodante Marcoleta
  • Department of Information & Communications Technology Secretary Gregorio Honasan
  • Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo
  • Department of Transportation Secretary Arthur Tugade
  • Department of Public Works & Highways Secretary Mark Villar

"These shall be among the matters to be taken up at the PDPLaban national convention to be held this 8 September 2021, at San Jose Del Monte Convention Center, Sapang Palay Proper, City of San Jose del Monte, Bulacan," patuloy ni Nograles kanina.

Matatandaang katatalo lang ni Sen. Manny Pacquiao, na dating presidente ng PDP-Laban, kontra sa boksingerong si Yordenis Ugas ng Cuba nitong weekend para sa isang welteweight championship bout.

Una nang sinabi ni Pacman na sa Setyembre niya pagdedesisyunan kung itutuloy niya ang planong pagtakbo sa pagkapresidente sa 2022. — may mga ulat mula kay Xave Gregorio

2022 NATIONAL ELECTIONS

ALFONSO CUSI

MANNY PACQUIAO

PDP-LABAN

RODRIGO DUTERTE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with